50. Kuko

Ang ganda raw
ng aking mahahabang
kuko,
sabi nila.

Tinalukbungan
ng tatlong patong
ng itim na kurtina,
hindi nila alam
na ito’y

bali
at dumudugo
sa ilalim.

Advertisements

14. O, Artista

Pasensya ka na
sa ‘king abala,
di ko inakala
na ikaw pala
ay isang artista
na kahit isang
palabas, wala
at ang telenobela
lang na meron ka
ay ang ‘yong buhay
na ma-mantika
sa grasya, at
ang tanging bida
ay ang sarili mong
saksakan naman
ng drama, pucha,
eh kung sana
naglaslas ka na
ng lalamunan
nang mapunan
na ang iyong
pantasya ng
nakaluluhang
pagkawala
na sa totoo lang
ay hindi ko rin
naman panonoorin,
maliban kung
ako’y iyong
pinansin; kung
ganun lang ay,
aba, ako na
ang iyong
#1 fan.

07. Sumbungera Ka, Mahal

Ano’ng karapatan mo, mahal,
upang itaob at itapon
ang sampal ng aking pag-ibig
na sa iyo ko lamang inilalatay?

Sino ang may sabi sa iyo, mahal,
na ikaw ay nagdurusa?
Matatabil ang kanilang mga bibig,
ngunit ang aking mga palad
ay mas mabigat kaysa
kanilang mga salita, hindi ba?

Heto at dadamhin mo, mahal,
ang sarap ng aking dantay
sa iyong maputlang mukhang
aking bibigyan ng ube na kulay.