Ayoko Na Atang Matulog Kahit Kailan

Napanaginipan na naman kita kagabi. Matagal-tagal na rin mula nang huli akong managinip.. At sa unang beses na nanaginip ako ulit, ikaw pa talaga ang bida. Hindi naman siguro ito pahiwatig ng kung ano, pero yung panaginip mismo, parang mahirap isipin na wala syang ibig sabihin.

Nagkaayos daw tayo, at nagsisimula ulit. At, o Diyos ng malulupit na biro, mas naging mabuti daw ang relasyon natin kaysa nitong huli. Mas malapit tayo sa isa’t isa, at hindi ka na lumalayo. Nagkaron ng punto sa panaginip ko na nakikinig ako ng musika, at lumapit ka—oo, ikaw ang lumapit—para makinig sa pinakikinggan ko. Kung sa totoong buhay ‘yon nangyari, sumobog na sana ang baga ko kakapigil ng hininga. Pero dahil sa panaginip lang nangyari ang lahat, ngumiti lang ako sa sarili ko at lalo pang lumapit sa’yo. Ibinigay ko sa’yo ang kanang earphone ko, pero masyado itong maikli kaya kinailangan mong ilapit ang mukha mo sa’kin.. At dun na napaimpyerno ang lahat.

Napakalapit ng mga mukha natin. Napakalapit. At sa toto lang, hindi ko sinisisi ang sarili ko sa nangyari sa panaginip na ‘yon (well, hindi masyado) kasi sino nga ba naman ang makakatiis, maliban sa duwag na ako sa totoong buhay?

Hinalikan kita. Nagsasalita ka no’n, mahina. Halos idinaplis ko lang ang labi ko sa labi mo, isang dampi na sa sobrang gaan ay napaisip ako kung naramdaman mo ba o hindi, lalo’t hindi ka agad-agad tumigl sa pagsasalita. Ilang saglit pa’y umimpis ang boses mo’t napipi ang ‘yong mga salita, at tinitigan mo ang mukha ko. Sa mga sandaling ‘yon, sa aking nararamdamang halong katangahan at pagmamahal, medyo nakangiti pa ako habang nakatitig din sa ‘yo. Sa mga sandaling ‘yon, naramdaman ko na mahal nga kita, at sa unang pagkakataon ay nagkaron ako ng kaunting kasiguruhan na mahal mo din ako.

Tapos, nalukot ang mukha mo. “Sinadya mo ba ‘yon?” tanong mo sa’kin. Natunaw ang ngiti sa mukha ko’t di ako nakasagot. Inulit mo ang tanong mo, at dito’y nagpanic na ako. Ikaw din ay nag-umpisa na’ng magalit at umalis. Pinipigilan kita, pero hindi ko nakayanan ang pagkadismaya sa mukha mo’t hinayaan na lang kita. Kung nakikita ko lang ang mukha ko sa mga sandaling ‘yon, gugustuhin ko siguro ‘yong sapakin.

Sa paglipat ng eksena, nakikita kong kumikilos ang mga paa ko. Umekstra ang isa pa nating kaibigan.. Kasama ka nya. Hinahabol nyo ako para makasabay. Gusto mo na atang makipagbati.. O kung hindi man, siguro lumamig lang ang ulo mo o kung ano. Tahimik akong ngumiti.

Hindi ko na alam kung ano’ng nangyari. Susunod na naalimpungatan ako sa paligid ng panaginip, andito ka na sa bahay ko at naliligo sa aming banyo at nakahiga sa’king kama. Putangina, kung alam mo lang kung gaano ko katagal pinangarap ‘to. Pero sa di ko malamang dahilan, hindi kita nilapitan. Buong panahon na itinagal mo sa bahay, nakaupo lang ako sa baba, naghihintay; ng ano, hindi ko alam. Sa wakas, napagdesisyunan kong akyatin ka sa kwarto, dahil hindi ko matiis na hanggang imahinasyon lang ako, lalo na’t andyan ka naman at pwede kitang makita. Ginusto kong umupo sa tabi mo’t haplusin ang natutulog mong mga mata, ang payapa mong mukha, na dati’y walang emosyon kundi tawa o tunganga. Misteryo ka sa akin noon; ngayon, andito ka na, napakalapit, at naisip ko: ilang hakbang na lang at mag-uumpisa na tayo.

Pagbukas ko ng kwarto, wala ka sa kama ko.

Kapatid ko ang natutulog do’n, at nagising sya sa pagbukas ko ng pinto. Naramdaman kong bumagsak ang mukha at lamanloob ko, pero hindi ko pinakita. Tinanong ko lang s’ya kung nasaan ang babaeng natutulog do’n kanina, sa sobrang takot ko na baka ilusyon lang ang lahat. Sabi nya, “kanina pa umalis.”

At doon na ako nagising.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s